First Holy Communion, Matagumpay na Idinaos sa Xavier School

You are currently viewing First Holy Communion, Matagumpay na Idinaos sa Xavier School

Matagumpay na naidaos nang face-to-face ang First Holy Communion ng mga mag-aaral sa ikalima at ikaanim na baitang ng Paaralang Xavier noong Oktubre 12-14 ng taong kasalukuyan. Ginanap ang nasabing gawain sa Angelo King Multi-Purpose Center (MPC) ng nasabing paaralan kung saan dinaluhan ng 352 kabuoang bilang ng first communicants (241 na Grade 5 at 111 na Grade 6), kasama ang kani-kanilang magulang at mga guro.

Isinagawa ang Sakramento ng Komunyon sa loob ng tatlong araw kung saan nahati ang mga mag-aaral sa anim na pangkat.  Pinangunahan ang iba’t ibang misa ng mga paring Heswita ng Paaralang Xavier na sina Fr. Aristotle Dy, (na siya ring School President), Fr. Felipe Yohan, Jr. (Campus Minister), Fr. Arturo Borja (School Chaplain), at Fr. Xavier Olin (dating Campus Minister at kasalukuyang Rector ng Loyola House of Studies).

Ang Sakramento ng Komunyon ay ibinibigay pagtuntong ng mga mag-aaral sa ikaapat na baitang subalit may taon na kailangan itong isuspinde dahil sa malalang banta ng pandemya. Matatandaang noong nakaraang taon, isinagawa ang Sakramentong ito nang may limitadong dami ng mag-aaral at mahigpit na restriksyon ngunit matagumpay pa rin itong ipinagdiwang. Kaya naman, talagang pinaghandaan ng komunidad ang pagdiriwang sa pamumuno ng Christian Life Education (CLE) Department, kasama ang Campus Ministry & Service Office (CMSO) at ng iba’t ibang kagawaran ng Paaralang Xavier, kabilang na ang mga guro ng ikalima at ikaanim na baitang.

Hugh Golong of 5E

Ibang sigla ang dulot para sa mga mag-aaral at magulang, maging sa mga gurong nangasiwa ng nasabing gawain, na maipagdiwang ang Banal na Eukaristiya sa loob mismo ng paaralan. Ayon sa panayam sa ilang mag-aaral, malaking tulong ang paghahanda sa mga klase para sa kanilang Sakramentong Komunyon. “Iyong klase namin ay nagpa-practice habang CareSo at Mentoring. Nagpa-practice kaming tumayo at magdasal at magkomunyon.” 

Matthew Guzman of 5D

Ibinahagi naman ng ilan ang kasiyahang naramdaman matapos ang Sakramento. “I felt happy kasi I received the Holy Communion for the first time and I’m even more happy that I got to be the commentator.” Dagdag pa ng isa, “I felt happy because I got cleansed of my sins even more and I also was happy that I got to ask for forgiveness from the Priest.”

Nang kapanayamin din ang isang magulang ng first communicant, narito ang kaniyang sinabi. “Ang paaralan ay naghanda ng recollection para sa mga mag-aaral upang maging handa sila sa First Holy Communion. Bilang magulang, ang ginawa ko ay pinaalala ko sa anak ko na um-attend nito para maintindihan niya kung ano nga ba ang kahalagahan ng First Holy Communion sa kaniyang buhay. Kami rin ay nakilahok sa recollection para sa mga magulang ng communicants. Sisikapin din namin na maging mabuting halimbawa sa aming anak at kabilang dito ang pag sisimba tuwing Linggo. Sa ganitong paraan, mas malalapit ang aming pamilya sa Panginoon.

Bukod pa sa suporta ng mga magulang, kitang-kita rin sa pagdiriwang ang buong suporta at pagsisikap ng mga guro para sa katagumpayan ng gawain kung saan sinigurado nilang maayos ang daloy ng programa at nagsilbi rin silang mga usher, choir. Kaya naman, ayon sa panayam ng isa sa mga gurong tagapayo ng mga first communicant, malaking bahagi ng katagumpayan nito ay ang mga gurong nag-abala at tumulong sa pagsasagawa ng gawain. “Iba ang manpower ng teachers na nag-a-assist, from time to time, sa parents at students, kaya mas naging madali ang gawain,” ika niya.

Pinatunayan din ito sa isang panayam kung saan ipinahayag ng isang magulang na idinaos ang gawain nang “meaningful” para sa mga bata. “Maayos ito. Simula sa pagpasok ng mga magulang, pagbibigay ulit ng orientation sa mga magulang para alam kung ano ang gagawin nila sa bawat pagkakataon sa araw na iyon. Ang mga pari din ay nagbigay ng makabuluhang sermon o homily na matatandaan ng mga bata at hinikayat din nila ang mga magulang na suportahan ang mga bata.” 

 

 

Sa kabuoan, matagumpay na naisagawa ang Sakramentong Komunyon dahil sa parehas na pagtutulungan ng mga guro at magulang para sa napakahalagang gawaing ito sa buhay ispirituwal ng mga mag-aaral ng Paaralang Xavier. 

Franco Venturanza of 5E