Matagumpay na naisakatuparan ng Mababang Paaralan ng Xavier San Juan ang selebrasyon para sa Buwan ng Wika na may temang: “Batang MagilaXS, Kampeyon ng Pagtuklas” noong ika-25 ng Agosto taong 2022.
Ang pagdiriwang ay sinimulan sa pamamagitan ng isang misa na kung saan ay ginunita din ang kapistahan ni apostol San Bartolome. Ang misa ay pinangunahan ni Padre Arturo Borja, SJ. Pagkatapos ng misa ay nagkaroon naman ng pambaitang na gawain ang mga mag-aaral. Inimbitahan ng mga guro sa ikatlong baitang ang isang panauhing kwentista na nagpakilala sa mga mag-aaral kay Superhero Nio. Bukod doon, nasubok din ang kaalaman ng mga bata sa Buwan ng Wika at sa kuwentong kanilang napanood. Sa kabilang banda, ang mga mag-aaral naman sa ikaapat na baitang ay nagkaroon ng pagkakataon upang makilala at maiguhit ang iba’t ibang Pinoy Superheroes. Dito ay naipamalas ng mga mag-aaral ang kanilang pagiging malikhain sa pagguhit at paglalahad ng kaisipan tungkol sa pagtulong sa kapwa. Masaya namang nilahukan ng mga mag-aaral sa ikalima at ikaanim na baitang ang larong Bingo. Laman ng laro ang iba’t ibang mga kultura, paniniwala, tradisyon, mga pagkaing Pinoy at maging ang mga larong Pinoy. Layon ng larong ito na makilala’t mapahalagahan ng mga mag-aaral ang kanilang pagka-Pilipino. Nagkaroon naman ng kulminasyon ng mga gawain ang EED noong Agosto 26, 2022 via Zoom na nilahukan ng lahat ng mag-aaral at guro.
Tunay na naipamalas ng mga Xaverians ang kanilang pagiging magilas, sa aktibong pakikilahok sa mga gawain para sa Buwan ng Wika. Ang mga makabuluhang gawain na ito ay naisakatuparan sa pangunguna ng Kagawaran ng Filipino sa pamumuno ni Gng. Joyce C. Imperio, katuwang na rin ang iba pang mga departamento at kasapi ng Mababang Paaralan ng Xavier San Juan.