Bilang panimula sa Buwan ng Wika at Kulturang Pilipino sa taong 2022, ipinagdiwang ng Yunit ng Mataas na Paaralan ang Banal na Misa sa paggunita ng Kapistahan ni San Lorenzo ng Roma. Ang misang ito ay pinamunuan ng Campus Minister na si Padre Felipe “Philip” Yohan, Jr., ng Kapisanan ni Hesus, kasama sina Padre Arnulfo Bugtas, Padre Benjamin Sim, at Padre Arturo Borja, lahat mula sa Kapisanan ni Hesus. Ang misa ay naganap sa High School Gym at dinaluhan ng mga mag-aaral mula sa ika-pito hanggang ika-labindalawang baitang (Asul na Grupo) kasama ang mga guro, administrador, at kawani ng Mataas na Paaralan. Nakiisa ang mga nasa kani-kanilang mga tahanan sa pamamagitan ng panonood ng naka-stream na Misa sa Xavier School Youtube Channel.
Sa pagninilay na ibinahagi ni Padre Philip, kanyang binigyang-diin ang mga “kabalintunaan” na matatagpuan sa mga pagbasa. Binanggit niya na ang mga kabalintunaan (paradox sa ingles) ay “tila walang katotohanan, ngunit matapos ang masusing pagmamasid o pag-aaral ay malalantad din ang tunay na kahulugan.” Bilang halimbawa, siya ay nagpahula ng mga bugtong, na kanyang iniugnay sa mensahe na hatid ng ebanghelyo na pawang “kabalintunaan” din: kailangang “mamatay” upang tayo ay magbunga. Ito ay makikita sa buhay ni Kristo, kung saan ang Kanyang kamatayan ay nagbunga ng maraming magagandang bagay. Binigyan-diin din niya na sa buhay natin bilang Kanyang mga “katoto” o kaibigan, hindi hinihingi sa atin ang pisikal na pagkamatay, ngunit hinahamon tayong talikdan ang ating mga “madalian at mapanghusgang pananaw.” Maiuugnay ito sa kwento ni San Lorenzo ng Roma na hindi nag dalawang-isip ilantad ang katotohanan. Bilang pagtatapos ng kanyang pagninilay, ibinahagi ni Padre Philip na ang salitang KATOTOHANAN ay may ugat na katagang KATOTO: katuwang, kaibigan. Kung kaya naman tayo ay pinaaalalahanan na “ang katotohanan hindi pinababayaan, ito’y inaalagaan at pino-protektahan. At higit sa lahat, ang katotohanan, hindi kinakalimutan.”
(Matatagpuan sa ibaba ang buong teksto ng pagninilay ni Padre Philip.)
Bago matapos ang misa, ipinalabas ang ‘video recording’ ng mensahe sa komunidad ng Mataas na Paaralan ni Padre Aristotle Dy, SJ, ng Presidente ng Paaralang Xavier. Inanyayahan niya ang lahat na tuklasin ang maraming mga magagandang bagay na ating maipapahiwatig kung pagsisikapang gamitin at mahalin ang wikang Filipino.
[C] Homily – 11 August 2022, Kapistahan ni San Lorenzo ng Roma
Isang mapagpalang umaga sa ating lahat!
Ngayong araw na ito sa ating misa ay ipinagdiriwang natin ang kapistahan ni San Lorenzo ng Roma, isang diakono at martir.
Ngayon din ang ating Pagdiriwang sa Buwan ng Wika at Kulturang Pilipino.
Kaya’t muli sa inyong lahat na aking katoto, magandang umaga!
Sa mga pagbasang ating narinig, lalung-lalo na sa ebanghelyo, nakarinig tayo ng isang kabalintunaan!
Ano daw?!
Kabalintunaan, sa ingles ay paradox or absurdity.
Sa unang tingin ay tila walang katotohanan, ngunit matapos ang masusing pagmamasid o pag-aaral ay malalantad din ang tunay na kahulugan.
Sige, bago ko balikan ang sinasabi kong kabalintunaan sa ebanghelyo…
May naisip akong paraan upang atin itong lubos pang maunawaan.
Tayo ay mag bugtong-bugtungan!
Naaalala pa ba ninyo ang mga bugtong?
Karaniwan Ito’y isang pangungusap o tanong na may nakatagong kahulugan na nilulutas bilang isang palaisipan.
Hindi ko na kayo tatanungin sa tamang kasagutan, ako na rin po ang magbibigay.
Ang tangi ko lamang hihilingin ay inyo munang pansinin ang unang sasagi sa inyong isipan at ito ay ikumpara sa tunay na kahulugan.
Sige, Handa na ba ang lahat?!
1. Kay lapit-lapit na sa mata, di mo pa rin makita. (Tenga)
2. Bulaklak muna ang dapat gawin, bago mo ito kanin. (Saging)
3. Isa ang pasukan, tatlo ang labasan. (Kamiseta)
4. Malambot na parang ulap, kasama ko sa pangangarap. (Unan)
5. Dala mo, dala ka, dala ka ng iyong dala. (Sapatos)
6. Hindi pari, hindi hari, nagdadamit ng sari-sari. (Paruparo)
7. Kaisa-isang plato, kita sa buong mundo. (Buwan)
8. Buto’t balat lumilipad. (Saranggola).
Maraming Salamat sa inyong pakikinig at pakiki-isa sa pag-iisip at pagninilay.
Marahil ay ito rin ang dapat nating gagawin sa ebanghelyong akin nang babalikan.
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga apostol:
“Malibang mahulog sa lupa ang butil ng trigo at mamatay, mananatili itong nag-iisa. Ngunit kung mamatay, ito’y mamumunga nang marami.”
(Juan 12:24 – kapitulo labindalawa, bersikulo dalawampu’t apat).
Isang kabalintunaan…
“Paano ka magiging mas mabunga kapag namatay ka na?” marahil pagtatanong ng mga apostol.
Kung ang titingnan lamang ng mga apostol ay ang Hesus na kanilang kasa-kasama hindi rin nila ito mauunawaan.
At dahil hindi nila batid na si Hesus ay nagsasaad pa-tungkol sa kanyang sariling kamatayan, hindi sila maniniwala.
“Nagpagaling ka ng maraming tao at nangangaral ka sa buong Israel!Hindi pa kami nakakita ng sinumang gumawa ng kasinghusay mo!”
Marahil ito ang kanilang iniisip.
Ngunit sa ating pananaw sa ngayon, makikita natin na tama si Jesus: ang kanyang kamatayan ay nagbunga ng malaking bunga.
Binuksan ng kanyang kamatayan at muling pagkabuhay ang posibilidad ng kaligtasan para sa lahat ng tao!
Kung hindi dahil sa kamatayan at muling pagkabuhay ng ating Panginoong Hesukristo marahil wala tayong lahat dito sa misang ito.
Wala ang Kristiyanismo, wala tayong mga Kristiyano, walang sumusunod at naglilingkod kay Kristo.
Ngunit dahil sa kanyang kamatayan at muling pagkabuhay, si Kristo ngayon ay may mga katoto.
(Sabihin sa inyong katabi: “Salamat sa iyo, Katoto!”)
Ngunit alam din natin na ang pagiging katoto ni Kristo, kasama nya at tagasunod nya, ay may kalakip na hamon.
Muli balikan natin ang ebanghelyo….Pagkatapos ay sinabi ni Jesus, “Ang naglilingkod sa akin ay kinakailangang sumunod sa akin, at saanman ako naroroon ay naroon din ang aking lingkod.”
(Juan 12:26 – Juan kapitulo labindalawa, bersikulo dalawampu’t anim)
Nais ipabatid ni Hesus na ang bawat isa sa kanyang mga alagad ay kailangang makibahagi sa parehong tawag na mayroon siya: ang “mamatay” upang sila ay magbunga ng malaking bunga.
Pero paano? Mga katoto…sa aking palagay, hindi kailangang “mamatay” sa pisikal na pamamaraan.
Sa aking palagay, at ito ang aking mungkahi: kinakailangang mamatay ang ating madalian at mapanghusgang pananaw.
Ulitin ko…kinakailangang mamatay ang ating madalian at mapanghusgang pananaw.
Sa tao, mga bagay-bagay, sa mga pangyayari sa ating buhay.
Tulad ng mga apostol na kinailangang patayin ang kanilang pagtingin na walang kahahantungan ang kamatayan.
Tayo rin kailangan nating patayin ang madalian at mapanghusgang pagtingin upang makita ang katotohanan.
Dahil ang katotohanan, kadalasan, hindi natin nababatid ng lantaran.
Hindi agarang tumatambad sa ating harapan.
Ang kanyang paglitaw hindi biglaan.
Kaya’t kinakailangan ang masusing pagtanaw.
Kilatisin ng marahan.
Katulad ng nangyari sa buhay ni San Lorenzo ng Roma.
Noong panahon na inuusig ang Simbahan, iniutos ng Emperador na dalhin ng diakonong si Lorenzo ang lahat ng yaman ng Simbahan.
Ngunit sa masusing pagtanaw at pagninilay ni Lorenzo, hindi ang mga ginto at salapi ang yaman ng Simbahan.
Bagkus, tinipun ni Lorenzo ang mga pulubi, mga biyuda at ulila at sila ang iniharap sa Emperador at sinabing:
“Ito ang tunay na yaman ng simbahan!”
Inilantad ni San Lorenzo ang katotohanan!
At sa bahaging ito, nagpapasalamat ako sa ating wika at kulturang pilipino.
Dahil nabatid ko na ang salitang KATOTOHANAN ay may ugat na salita o kataga na KATOTO.
Ang Katoto ay katuwang, kaibigan, kasa-kasama, barkada.
Hindi nga ba? Ang katotohanan dapat sinasamahan hindi iniiwan.
Ang katotohanan hindi pinababayaan, ito’y inaalagaan at pino-protektahan.
At higit sa lahat, ang katotohanan, hindi kinakalimutan.
Mga kapatid, mga katoto…
Muli…Kailangang mamatay ang ating madalian at mapanghusgang pananaw.
Nangako si Jesus na sa tuwing tayo ay “mamamatay” sa ganitong paraan, tayo ay namumunga.
Ang ating pagiging saksi lalo na sa katotohanan ay maaaring magbigay ng inspirasyon sa mga taong nahaharap sa isang labanan na hindi lantaran.
Ito rin ang magtutulay sa ating pakikipag-ugnayan sa ating kapwa at magpapatibay ng ating mga relasyon – pamilya, komunidad, at bansa.
At marahil pa nga, ng buong mundo!
At higit sa lahat, mga katoto, magbubunga tayo ng matamis na bunga ng mas malalim na relasyon sa Diyos.
“Panginoon, inaalay namin sa iyo ang araw na ito. Kasama ni Kristo, aming tunay na katoto…Nagtitiwala kami sa iyo upang gawin itong mabunga.”
2 Corinto 9:6-10 Awit 112:1-2, 5-9