Kulminasyon ng Buwan ng Wika at Kultura 2022, Matagumpay

You are currently viewing Kulminasyon ng Buwan ng Wika at Kultura 2022, Matagumpay

“Naniniwala po ako, walang duda, na kasama sa pamamahala ng ating sariling tadhana ang pagsupil sa kasinungalingan. At ito ang magbibigay daan sa panibagong yugto ng ating kasaysayan. Kasaysayan na pinagbibidahan ng taumbayan at hindi ng iilan.” Ito ang bahagi ng pahayag ni Ms. Karmina Constantino, Senior Anchor ng ABS-CBN News Channel bilang panauhing tagapagsalita sa ginanap na kulminasyon ng Buwan ng Wika at Kultura 2022 sa Paaralang Xavier na dinaluhan ng kaguruan at kawani noong Agosto 31. 

Ang tema ng Buwan ng Wika 2022 na Filipino at mga Katutubong Wika: Kasangkapan sa Pagtuklas at Paglikha ay pagpapakita ng pagkilala ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa mandato nito na nasasaad sa RA 7104, Section 14 na “… may kaugnayan sa pagpapaunlad, pagpapalaganap, at preserbasyon ng Filipino at iba pang mga wika ng Pilipinas.”

Sa taong ito, ang Kagawaran ng Filipino ay nakatuon sa temang: pagbabalik. Ang mga gawain ay nakatuon sa pagpapalakas at muling pagbuhay sa nakasanayang kultura at tradisyon ng paaralan tuwing sasapit ang Buwan ng Wika at Kultura. At dahil naniniwala ang kagawaran na ang mga guro at mag-aaral ang buhay ng institusyon inilunsad sa taong ito ang “BalikXSaya”, ang muling pagpapanumbalik sa makulay, masaya at makabuluhang pagdiriwang at pagpapahalaga sa sining, kultura at wikang Filipino sa paaralan. Layunin ng mga gawain at programa na maipakita sa bawat isa yaman at pamana ng lahi sa kasalukuyang panahon sa pamamagitan ng iba’t ibang gawain at paghahanda ng kagawaran para sa komunidad.

Bilang kulminasyon ng pagdiriwang at tugon sa hamon ito ay inanyayahan ng Paaralang Xavier sa pangunguna ng Kagawaran ng Filipino at pakikipagtulungan ng IGNITE Office at Human Resources Office si Ms. Karmina Constantino para magbigay ng face-to-face na talakayan tungkol sa “Gampanin ng Midya sa Paghulma ng Kamalayang Pilipino sa “Bagong Pilipinas.” Bahagi rin ito ng RPP Thrusts at ang paglaban ng paaralan sa disinformation at historical revisionism kasama na ang pag-alala sa nalalapit na ika-50 taong anibersaryo ng Batas Militar. 

Sinimulan ito ni G. John Roger M. Maghuyop sa pagbabahagi ng halaga ng papel na ginagampanan ng midya at information literacy sa pagtataguyod ng isang bansang maka-Diyos, maka-kalikasan, makatao at makabansa. At kung paano magiging malaking hamon sa kaguruan at kawani ng paaralan na maituro sa mag-aaral ang ang mga kasanayan sa kung paanong bitawan ang maling gawi o unlearning partikular sa mga aspekto ng misinformation, disinformation at malinformation. (Pambungad na Pananalita)

Si Gng. Marianne Joyce C. Imperio ang nagbigay ng maikling pagpakilala sa panauhing tagapagsalita hinggil sa kontribusyon nito sa larangan ng midya at kahusayan sa paksang tatalakayin. (Pagpapakilala kay Karmina Constantino-Torres)

 Sa talakay ni Ms. Constantino, ibinahagi niya ang kahalagahan ng gampanin ng midya noon, ngayon, at magpakailanman para ibahagi ang katotohanan at para mapanatili ang kasarinlan ng taumbayan. Binigyang diin din niya ang malaking tungkulin ng midya  para pangalagaan ang demokrasya. Sinabi rin niya na dala ng teknolohiya, kahit na sinong may internet connection ngayon ay maaaring ipakilala ang kanilang mga sarili na eksperto at magpakalat ng anomang impormasyon na gustuhin nila. Nagwakas ang kaniyang pagbabahagi sa hamon para sa bawat isa na tumindig at isipin ang mga batang binibigyan ng kalinga ng Paaralang Xavier at isipin ang kanilang kinabukasan at higit sa lahat na ilagay sa puso ang kapwa.

Sinundan ito ng malayang talakayan kung saan nagbahagi ng kanilang mga saloobin at tanong ang ilang guro na tinugon naman ng tagapagsalita. Nagbahagi rin si G. Jovanie Carpio ng maikling sintesis tungkol sa kabuoan ng naging talakay. Dito ay binalikan niya ang binanggit ng panauhin na kasama sa pamamahala ng ating sariling tadhana bilang Pilipino ay ang pagsupil sa kasinungalingan. At kung paano ito ang magbibigay daan sa panibagong yugto ng kasaysayan pagbibidahan ng mamamayan. 

Kasunod nito ang pagkakaloob ng sertipiko ng pagkilala at pasasalamat na ibinahagi ni G. Glenn  B. Gomez, sa pangunguna nina Fr. Aristotle C. Dy, S.J., G. Michael P. Delos Reyes at Gng. Maria Clarisse Joy A. Ednacot. Nagwakas ang programa sa pag-awit ng himno ng Paaralang Xavier sa wikang Filipino. Sina G. John Michael R. Soriano at Bb. Caselyn Jane N. Ponon ang nagsilbing mga guro ng palatuntunan. 

Ang mga litrato ay kuha ni G. Dominic Sales ng SHS IB Computer Science
Share your vote!


Do you like this post?
  • Fascinated
  • Happy
  • Sad
  • Angry
  • Bored
  • Afraid

Leave a Reply

Please share this