Paglulunsad ng Institusyonal na Buwan ng Wika at Kultura, Matagumpay

You are currently viewing Paglulunsad ng Institusyonal na Buwan ng Wika at Kultura, Matagumpay
Kuha ni G. Dominic Sales, guro sa SHS, ang mga larawan

Matagumpay na ipinagdiwang sa Paaralang Xavier ang paglulunsad ng mga programa at gawain ng Buwan ng Wika at Kultura 2023.

Ang buwan ng Agosto ay Buwan ng Wikang Pambansa alinsunod sa Pampanguluhang Proklamasyon Blg. 1041 s. 1997, na ipinagdiriwang mula Agosto 1-31. Ang tema para sa taong ito ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ay “Filipino at mga Katutubong Wika: Wika ng Kapayapaan, Seguridad, at Ingklusibong Pagpapatupad ng Katarungang Panlipunan”. 

Kaugnay nito, sa kauna-unahang pagkakataon ay nagsanib pwersa ang Grade School at High School para ipagdiwang ang Buwan ng Wika at Kultura  2023 sa pangunguna ng Kagawaran ng Filipino. Ang tema ng paaralan ngayong taon ay, “XSiklab: Kulturang Pilipino Pagningasin, Wikang Filipino Tangkilikin”.

Bago magsimula ang misa at programa ay nagpasaya sa saliw ng banda at musiko ang BulSU Symphonic Band habang pumapasok ng Fr. Rafael Cortina, SJ Sports Center ang mga guro, kawani at mag-aaral.

Bahagi ng programa ang pagdiriwang ng Banal na Misa sa pamumuno ni Fr. Edryan Paul J. Colmenares, SJ.


Sinundan ang misa ng maikling video ng mga alumni ng paaralan sa pangunguna ni Fr. Aristotle C. Dy, SJ, pangulo ng Paaralang Xavier, para ibahagi ang kanilang pananaw tungkol sa papel ng Xaverians sa pagpapaunlad sa paggamit ng wika at pagtangkilik sa kulturang Pilipino. Sinundan ito ng world-class performance ng DanceX at sayaw ng piling guro at kawani mula sa Grade School at High School.

Tinawag na “Pasinaya” kultural na programa kung saan itinampok ang iba’t ibang pagtatanghal na naglalayong paunlarin at patatagin ang kultura at wikang Filipino. Pinangunahan ng de-kalibreng De Novo ang pag-awit ng Lupang Hinirang na kaagad sinundan ng mainit na pagbati mula kay Fr. Ari. Nagpakitang gilas rin ang Sandugo sa isang spoken word habang nagpamalas ng kanilang malamig na boses ang Koro Javier.

Mas lalong naging espesyal ang programa sa natatanging pagtatanghal ng BulSU Lahing Kayumanggi Dance Troupe na kamakailan lamang ay tumanggap ng Meritorious Performance Award mula sa National Commission for Culture and the Arts (NCCA) dahil sa kanilang pagtaguyod sa kulturang Pilipino partikular sa larangan ng sayaw sa loob at labas ng bansa.




Bilang bahagi ng pampasiglang bilang, inihandog ng Saring Himig ang mga awitin tulad ng “Dugong Pilipino”, “Kalesa”, at “Iisang Bangka” na inareglo ni Eudenice Palaruman. Ang mga awiting ito ay nagsilbing inspirasyon upang patuloy na pag-alabin ang wikang sariling atin.

Tunay na naging makabuluhan at natatangi ang pagdiriwang sa taong ito. Maligayang Pagdiriwang ng Buwan ng Wika at Kultura 2023! #XSiklab #BNWK2023

Share your vote!


Do you like this post?
  • Fascinated
  • Happy
  • Sad
  • Angry
  • Bored
  • Afraid

Leave a Reply

Please share this