Tuloy na tuloy pa rin ang pagtugon sa misyon ng mga guro ng Xavier School sa pamamagitan ng Tuloy Eskwela Project.
Nauna nang nasimulan ang proyektong ito noong Setyembre 2022 matapos ang Magnitude 7 na lindol na naranasan ng probinsya ng Abra sa parehas na taon kung saan nasira ang maraming paaralan at naapektuhan ang mga mag-aaral.
Gayumpaman, hindi roon tumigil ang dedikasyon ng mga guro ng Paaralang Xavier. Dala-dala ang mga munting donasyon para sa pag-aaral gaya ng mga lapis at papel hanggang sa hygienic products na magagamit sa paglilinis ng katawan, binisita ng mga guro ang komunidad ng mga batang Tau-buid Mangyan sa Tagmaran, Occidental Mindoro.
Kabilang sa mga kabahagi ng paglilikom ng mga donasyon ay ang mga mag-aaral ng Xavier School sa koordinasyon ng Grade School – Student Activity Program (SAP), gayundin ang Grade School – Learning Resource Center (LRC) para sa mga librong makatutulong sa paghasa ng kanilang kasanayan sa pagbasa.
Isinagawa ang Outreach Program noong Abril 3, 2023, matapos ang pagsasagawa ng 2 araw na seminar-worskhop para sa mga guro ng Sablayan. Kaisa sa programang ito ang mga teacher-volunteers ng Mababang Paaralan ng Xavier: Gng. Emily N. Alcantara, Bb. Precious Grace M. Cruz, G. Nico M. Fos, G. Jerome C. Jaime, Bb. Adrielle Aiah G. Javines, Bb. Caselyn Jane N. Ponon, Bb. Kheiana Ardeen Denireish C. Rey, at Bb. Thomgie B. Tila, sa initiatibo ni Gng. Gina A. Altares, at pangunguna nina Gng. Marianne Joyce C. Imperio at G. Francis Jim B. Tuscano; katuwang ang iba’t ibang departamento ng Xavier School – Grade School.
Kasama ring bumisita sa programa ang Committee Chairman on Education ng Sablayan na si Hon. Clarinda A. Lorenzo at si Gng. Glecilda A. Urieta, Head Teacher VI ng Sablayan National High School. Bukod pa rito, mainit din ang pagtanggap ng mga guro sa komunidad ng Brgy. Burgos na sina G. Reymark E. Acbang, Bb. Catherine E. Candelario, Bb. Alma V. Conde, at G. Engee T. Martinez.
Sinimulan ang maikling programa sa panimulang mensahe ng pagpapaunlak ng Sitio Captain Malatungtong, Burgos na si Hon. Lito Dangeros.
Sinundan ito ng pagbabahagi ng talento ng mga batang Mangyan sa pamamagitan ng pagkanta at pagsayaw.
Kasunod nito ay nagkaroon ng demonstrasyon kung paano ginagamit ang hygienic products sa kanilang pang-araw-araw.
Bago matapos ang programa, nagpahayag ng pasasalamat si Hon. Piping “Ka Piping” Poyngon, ang Tagmaran Administrative Unit Captain. Nananawagan din siyang ibahagi ang kanilang kasalukuyang sitwasyon para sa mga nais tumulong sa edukasyon ng mga batang Mangyan ng Tagmaran.
Talaga nga namang nakagagaan ng puso ang ganitong mga gawain ng pagtulong. Daang kilometro man ang layo ng Maynila sa Occidental Mindoro, baon naman ng mga guro ng Paaralang Xavier ang mga ngiti ng mga batang Mangyan sa kanilang pag-uwi.