XStart-up: Kung Paano Naging Arkitekto ng Disenyo ang mga Xaverian

You are currently viewing XStart-up: Kung Paano Naging Arkitekto ng Disenyo ang mga Xaverian

Research. Ito ang salitang madaling sabihin at madalas iparatang sa kapwa bilang pantapal kapag nakikipagtalastasan online, ngunit sa totoo lang, hindi gaanong malawak ang kaalaman ng mga mag-aaral sa kasanayang ito. Marami pa rin ang nabibiktima ng misinformation at disinformation. Marami pa rin ang hindi sanay na kumilatis sa mga impormasyon na nababasa at napapanood sa internet.

Bagamat nakalatag ito sa iba’t ibang MELC’s (Most Essential Learning Competencies) ng iba’t ibang asignatura ng Kagawaran ng Edukasyon, kailangan pa ring mas paigtingin ang pagtuturo ng pananaliksik, kaakibat ang STEM na pinapahalagahan ang agham, teknolohiya, engineering, at matematika.  Hindi rin nakagugulat na bahagi rin ito ng Edukasyon sa Pagpapakatao. Ito’y dahil ang pananaliksik ay hindi lamang pagtuklas ng kaalaman, kundi pagtuklas din ng katotohanan. Taon-taong bahagi ng asignaturang Filipino sa Baitang 6 ng Paaralang Xavier ang pagpapakilala ng mga payak na elemento ng pananaliksik sa mga mag-aaral, ngunit iba ang pinaghuhugutan ngayon kung bakit itinuturo ito dahil kailangang labanan ang pandemya ng mali at pekeng impormasyon. Nang nagkaroon ng pandemya, hindi lamang virus ang kalaban.

Sa kabilang banda, kamakailan ay nanalasa ang Bagyong Odette sa Visayas at Mindanao kaya napapanahon lamang na isama sa pagtuturo ng pananaliksik ang mga konsepto ng sustainability at stewardship sa mga mag-aaral.  Bilang tugon sa Laudato si’ mula sa Santo Papa, hinimok nito na baguhin ang kurikulum at ihanda ang mga mag-aaral na maging katiwala at tagapangalaga ng mundong ito.

Ginamit ang Design Thinking bilang estratehiya ng pananaliksik at pag-iisip ng solusyon, narito ang naging proseso sa aming mga aralin sa ikaanim na baitang sa Filipino:

1. Panayam- Napanood ng mga mag-aaral ang panayam kay Nanay Elizabeth na biktima ng Bagyong Odette sa San Juan, Southern Leyte. Nasira ang kanyang bahay at maging mga bahay sa kanyang komunidad. Sinuri ng mga mag-aaral ang mga naging karanasan at kalagayan ng mga taong dinamayan nila.

2. Pagtalakay ng U.N. SDG’s o United Nations’ Sustainability Development Goals- Iniugnay ng mga mag-aaral ang karanasan ni Nanay Elizabeth sa mga pandaigdigang adhikain na nagsisilbing blueprint ng mga bansa upang makamit ang tinatawag na sustainability. Nakatulong ito sa mga mag-aaral upang makaisip ng mga ideya na makamit ang SDG’s kung saan hango ang design challenge na ibinigay sa klase. Halimbawa: “Paano magdisenyo ng mura pero typhoon-proof na bahay?”

 3. Pagsulat ng Empathy Map at Concept Map- Ginamit ang mga ito upang makakalap ng datos at mas mauunawaan ng mga mag-aaral ang karanasan, damdamin, at kaugalian ng mga tao na dumanas ng suliranin.

 4. Pakikinig sa Eksperto- Nakinig naman ang mga mag-aaral sa isang inhinyero na si Engr. Fatima Ang na nagpaliwanag tungkol sa disaster-resilient housing upang makatulong sa pag-iisip ng sarili nilang disenyo.

 5. Pagpapabuti ng disenyo kasama ang mga mentor na guro- Maliban sa palagiang gawain sa breakout rooms kung saan nagkaroon ng kolaborasyon at pag-uusap ang mga mag-aaral, minabuti ring mag-imbita ng ibang mga guro mula sa iba’t ibang kagawaran para magbigay ng payo at mga komento para mas mapahusay ang mga disenyo ng bahay ng bawat pangkat.

 6. Repleksyon at pagsulat ng papel-panukala- Mahalaga na mahusay nilang mabuo ang disenyo at masolusyunan ang design challenge na ibinigay, ngunit mas mahalaga pa rin ang nangyaring mabusising proseso ng kabuuan ng pananaliksik. Sa kanilang papel-panukala, nahasa ang kanilang kasanayan sa pagsusulat sa Filipino at pangangatwiran upang mapalitaw ang rationale ng kanilang naging disenyo. Isa pa ay nasanay sila sa paggamit ng mga ekspresyon sa pagpapahayag ng sariling pananaw at wastong gamit ng mga pangatnig sa paglalahad.

Mga Exemplar na Disenyo ng mga Mag-aaral:

(May kalayaan ang mga mag-aaral kung anong apps ang kanilang ginamit sa pagbuo ng sariling mga disenyo.)

Narito naman ang mga mahuhusay na halimbawa ng disenyo ng bahay mula sa iba’t ibang pangkat ng Baitang 6 sa ilalim ng pamatnubay nina G. Nico Fos at G. Roger Salvador, at sa pamumuno ni Gng. Joyce Imperio.

 1.  Mula sa 6A- Jacob Sy, Caio Syquia, Kian Tam, at Shaun Sy

2. Mula sa 6A- Devin Yap, Julian Tongco, Paolo Tan, Jared Tan, at Kurt Tan

3. Mula sa 6E- Mike Huang, Yohann Laguerta, Kieren Lim, at Ethan Lim

4. Mula sa 6G- Andres Zafra, Alexander Lim, Zachary Yang, Matthew Vallester, at Riley Ong

5. Mula sa 6J- Riley Ti, Ethan Uyekliong, Sebie Zulueta, Jericho Cu, Colin Tio, at Jhazz Tan

6. Mula sa  6J- Kian Lim, Rodrigo Arnedo, Raui Souza, Mayer Li, Cayenne Chan, at Herc Camungao

7.   Mula sa  6J- Benedict Tan, Ryu Sy, Paolo Pua, Aaron Odron, Stephen Ramos, at Chad Ong

Naging susi ang kanilang mga aralin sa Science dahil nagamit nila ang kanilang kaalaman sa mga sakuna at paghahanda ng mga dapat gawin para rito. Mas napahusay ang kanilang pag-iisip ng ideya kung paano gawing typhoon-proof ang isang bahay. Nagamit din nila ang kanilang kaalaman sa simple machines bilang bahagi ng kanilang disenyo ng bahay. Isang halimbawa ay paggamit ng mga ramp upang maging inklusibo ito sa mga may kapansanan at matatanda tulad ni Nanay Elizabeth na naging sentro ng kanilang pananaliksik. Naglagay ang ilan sa kanila ng mga mekanismo na rust-proof upang maiwasan ang pagkakaroon ng kalawang sa mga materyales ng bahay.

Simple man o at limitado lang ang mga teknikal na aspekto ng kanilang ginawa, at hindi tuluyang magagamit ng komunidad, tiyak na napagsama nila ang kanilang mga kaalaman sa iba’t ibang asignatura at nagamit nila ang wikang Filipino sa isang akademiko at malalim na diskurso. Sa kanilang pagdanas sa proseso ng saliksik, naranasan nila ang pagtuklas ng kaalaman, katotohanan, at lalong-lalo na ang kabutihan para sa kapwa.

Ika nga ng mga mag-aaral mula sa natapos na sarbey tungkol sa kanilang pag-aaral ng Pananaliksik:

  • “Dapat na tulungan din natin ang isa’t isa dahil isa tayong buong pamayanan.” – Sean Nathan Clarin (6D)
  • “Importante ang pananaliksik para makabuo tayo ng nararapat na solusyon sa problema.” – Riley James TI (6J)
  • “Kung gusto ko maging architect or house designer pwede ito i-apply sa hinaharap.” -Bryce Azriel Uy (6F)
Share your vote!


Do you like this post?
  • Fascinated
  • Happy
  • Sad
  • Angry
  • Bored
  • Afraid

Leave a Reply

Please share this